Kahit Saan Ako Umuwi May Ginagawang Kalsada
June 11, 2017 § Leave a comment
pa-Makati, mula norte ng EDSA,
pa-Binangonan, bandang bago mag-tulay.
Sabay-sabay kaming mga pasaherong naghihintay,
kasama ang drayber at pahinanteng alalay,
nagpapahupa ng trapik nang tuluyang maka-usad
humabol sa kanya-kanya naming nahuhuli nang lakad.
Kahit saan ako umuwi may ginagawang sawimpalad
sa Makati, sa gilid-gilid ng EDSA,
kahit sa Binangonan, malapit sa ginagawang tulay.
Sabay-sabay kaming nabubuhay, naghihintay—
Magka-katrabaho, magka-kaklaseng walang malay—
lumuwag ang daan at hiningang hirap sa usok,
guminhawa ang lagay hanggang pagbalik sa alikabok
dahil kahit saan ako umuwi may ginagawang nabubulok
sirang aspalto, mga tren at bus, sa Makati, sa EDSA,
kahit sa Binangonan, sa lahat ng susunod pang tulay—
sabay-sabay kaming nanonood sa paulit-ulit na paghalay
sa’ming mga manggagawang walang magawa kundi maghintay
sa grasya at pag-unlad na dala ng pagbabago
dala ng buwis namin sa mga proyektong tarantado
kaya siguro kahit saan ako umuwi may ginagawang gago:
mga empleyado sa Makati, mga mananakay sa EDSA,
mga taga-Binangonan, mga dumadaan sa tulay—
sabay-sabay nawawalan ng tiwala at pag-asa sa buhay
kaming mga walang kapangyarihan at yamang taglay.
Sinong hindi mag-aasam na mamatay o pumatay
sa lipunang basura ang kapalit ng oras at pawis na alay?
Kaya siguro kahit saan ako umuwi mayroong hinuhukay.
Pebrero 2017
Leave a comment