Lolo

August 23, 2017 § Leave a comment

Patawad po kung hindi ko ho kayo

inaway noon mula sa kabilang dulo

ng mesang babasagin tuwing almusal

tuluy-tuloy kung dakilain

si Marcos, at ang Martial Law

noong buhay pa kayo

walang litrato, o kahit anong dokumentong

naisalba noong si Marcos pa ang pangulo

mga kwento ng bulag lang kung paano

noon, mayroon kayong trabaho

at mga araw at gabing

walang ama ang mga tiya’t tatay ko

noong buhay pa kayo

natira lang ay ang mga kalyo

sa mga paa’t kamay ng tatay na bumuhay ng pito

nikotina sa mga bagang iniwan

ng libu-libong siga ng sigarilyo

at alaala ng mga sinigaang libro

upang mai-adya kayo sa peligro—

mga kwento at upos na patunay

noong buhay pa kayo.

 

– Setyembre 2015

Advertisements

Kahit Saan Ako Umuwi May Ginagawang Kalsada

June 11, 2017 § Leave a comment

pa-Makati, mula norte ng EDSA,

pa-Binangonan, bandang bago mag-tulay.

Sabay-sabay kaming mga pasaherong naghihintay,

kasama ang drayber at pahinanteng alalay,

nagpapahupa ng trapik nang tuluyang maka-usad

humabol sa kanya-kanya naming nahuhuli nang lakad.

 

Kahit saan ako umuwi may ginagawang sawimpalad

sa Makati, sa gilid-gilid ng EDSA,

kahit sa Binangonan, malapit sa ginagawang tulay.

Sabay-sabay kaming nabubuhay, naghihintay—

Magka-katrabaho, magka-kaklaseng walang malay—

lumuwag ang daan at hiningang hirap sa usok,

guminhawa ang lagay hanggang pagbalik sa alikabok

 

dahil kahit saan ako umuwi may ginagawang nabubulok

sirang aspalto, mga tren at bus, sa Makati, sa EDSA,

kahit sa Binangonan, sa lahat ng susunod pang tulay—

sabay-sabay kaming nanonood sa paulit-ulit na paghalay

sa’ming mga manggagawang walang magawa kundi maghintay

sa grasya at pag-unlad na dala ng pagbabago

dala ng buwis namin sa mga proyektong tarantado

 

kaya siguro kahit saan ako umuwi may ginagawang gago:

mga empleyado sa Makati, mga mananakay sa EDSA,

mga taga-Binangonan, mga dumadaan sa tulay—

sabay-sabay nawawalan ng tiwala at pag-asa sa buhay

kaming mga walang kapangyarihan at yamang taglay.

Sinong hindi mag-aasam na mamatay o pumatay

sa lipunang basura ang kapalit ng oras at pawis na alay?

 

Kaya siguro kahit saan ako umuwi mayroong hinuhukay.

 

Pebrero 2017

‘Di Biro

May 12, 2017 § Leave a comment

Magtanim daw ay ‘di biro
‘di tulad ng pagkukwento at pagtula–
maghapong tagaktak-pawis ang ginagawa
at pagsapit ng dapit-hapon, aanihin ay wala.

Sa pabrika, ang pag-proseso ay ‘di rin biro
‘di tulad ng paghabi ng mga salita–
nag-aabang ng aasikasuhing produkto, lilikha,
upang ang kikitain sa katapusa’y iba ang kukuha.

Ang trabaho ay ‘di biro,
alam nilang mga tiga-buo ng piyesa, tiga-bungkal ng lupa–
pawis, at daan-daang bagay na ‘di mahubog ng salita
inuubos upang mayari ang bunga ng paggawa.

Magtanim, magbanat ng buto, ay ‘di biro
‘di tulad ng pagiimbento ng mabubulaklak na salitang
walang laman, magaganda’t matutunog na latang
kakaladkarin ng kasaysayan–magagasgas, at malilimutan.

‘Di biro ang hindi maging malaya’t makapagsulat–
ang manggagawang sinasamantala at hindi naitatala,
ang nagtatanim na salat at hindi sinusulat–
‘di biro ang magpalaya sa mga kwento at tula.

 

May 2017

Museum

March 6, 2017 § Leave a comment

The museum sits on top of clothes tucked under pressure of a booked flight

curated pressed  memories,

documentation for the old and spent time.

There are days when it seems like the only way I can talk about us

is when I talk about things

when I talk about a restaurant that serves wicked porkchops

or mention an actress from a popular Asian drama,

the clothes that have come and gone from my wardrobe

and places I will come and go to, soon—

the museum, sitting on top of our heads, on top of plans for the weekend

before the flight was booked, before the parting.

There are days when the only way we exist is as a meal, or a show,

or a preference for things to wear

the places where we are most likely to have gotten receipts from.

There are days when the museum sits on my mind

dumped and pressed  with spreadsheets and reports

the new architecture and displays and maps and routes

and that necklace put on you in the most romantic way—

my head disappears among the clouds

because you are far away

but the museum remains on top of things

inside luggage to places I have been to, will be at,

inside packages of things not said, lost the time for saying,

inside brown envelopes of care packages

six months pressed and flown to and fro

and I am still missing your voice

despite the calls and pictures and Asian drama and

I miss the smell of your hair

the layout of your dress as they lay on the floor,

on the bed, on the sofa, on the chair, on the table

where brochures of the museum lay opened and marked

but there are days when I talk about you

and I talk about things

and I talk about us, just us

and that’s all that matters.

 

March 2017

Sleep Early

September 17, 2016 § Leave a comment

I fall asleep like a timely train lately

like afternoon work shifts

like the next national issue

a sleep that runs like a train on schedule—

an efficient stopper—

the next station to our ride—

abrupt departure from our thoughts and conversations

it was too late when I woke up.

 

Light was breaking through the screened window

at six in the morning and below

people prepare to break their fast, break their backs

try to break the monotony

elsewhere, hearts are breaking with sorrow

people prepare graves

for the unwitting, for innocents

try to brave the tragedy.

 

But routines make tragedies everyday affairs

turn murder from special to regular events

diminishing the horror it becomes

the next dirty and bursting public train

threatening to become a part of culture

diminishing melancholy for

unspent lifetimes ended

with blind, moral, vengeful fury.

 

Today, I am sitting in front of a window

squinting at struggles against routine below

a bomb went off before I slept on our conversation

just last night—no, these days, there has been a lot—

a news of slaughtering

another tragedy, another routine

I apologize with a drowsy voice

I slept too early and woke up too late.

 

September  2016

Sa paglapag ng eroplano ngayong gabi

August 12, 2016 § Leave a comment

Sa paglapag ng eroplano ngayong gabi nais kong malaman mo na hahanapin kita paglabas na paglabas ko ng paliparan.

Hahanapin kita madilim man sa labas ng bintana, wala mang mga bituing makita, wala pa mang lupa.

Sa paglapag ng eroplano ngayong gabi nais kong malaman mong paparating na ako, sandali na lang, mahal, ilang oras na lang nariyan na ako,

Hahanapin kita pagkarating na pagkarating ko.

Sa pagtatapos ng paglalakbay ko nais kong abangan mo ako nang may pananabik, sabihin mo sa akin nang paulit-ulit

“Umuwi ka na, masyado nang matagal kitang hinihintay, mahal,” at paulit-ulit kong sasabihin na heto na, heto na ako—

Sa pagtatapos nitong nilakbay kong milya-milya ang layo, nais kong paulit-ulit mo akong tanungin kung nasaan na ako, malapit na ba, anong sasakyan mo pauwi?—

Dahil nananabik na rin akong sagutin ka, narito na, narito na.

 

IMG_20160726_073513

Agosto 13, 2016

Solian ng Libro

February 23, 2016 § Leave a comment

At heto na nga tayo sa kabanata kung saan

nailipat na ang huling pahinang dapat ilipat,

naisara na ang likod na pabalat,

salat-salat ang gulugod ng mga papel at salita at mga alaala—

salamat, at narito na tayo.

Narating na natin, sa wakas.

 

Heto na tayo, sa isang kapihan kung saan

unang napagkasunduan ang magiging palitan natin,

transaksyong noong una parang hindi naman delikado—

pamagat para sa ‘di kilalang pamagat,

panlasa para sa panlasang estranghero,

mga salitang may tinutukoy na magkaiba’t magkapareho

mga salitang damdamin ang itinakbo at minaneho paroo’t parito—

ngunit heto,  narito na tayo ngayon at hindi ko masabi pero

mayroon yata akong malalang naipatalo.

 

At heto ako, lalapitan ka’t babati nang

“uy, kamusta?”

at tatayo ka’t babati pabalik,

walang halik, walang mahigpit na yakap na hihingi ng tawad,

walang pagsisikap na magpaliwanag,

at pauupuin mo ako, dito, tara, sabay tanong

“kumain ka na ba?”

At iiling ako, “hindi,

hindi na”—

at magbabatuhan tayo ng mga gasgas na linya

hanggang sa pareho tayong mapagod sa pagpapahaba

ng istoryang dapat sana’y maagang natapos.

Kung maaga mo lang sanang tinapos—

 

At ngayon, heto na nga

heto na tayo sa kabanata kung saan

magsosolian na tayo ng libro,

ang kabanatang iba ang inisip kong magiging dating—

mahapdi sa umpisa, makirot, ngunit giginhawa rin paglaon.

Oo, akala ko.

Akala ko, sa bawat pahinang nailipat

kapwa nating mahahanap ang damdaming inakalang gustong ipahiwatig.

Akala ko, sa bawat akyat at baba ng naratibo

lalabas ang mga ninanais at ginugusto

ngunit ako lang pala ang nagkagusto.

Akala ko lalampas sa huling kabanata ang ating kwento pero

 

heto. Heto na, kita mo?

Aalis ako nang nakangiti, at iiwan kang hindi iniisip

kung may naiwan ba akong hindi pa tapos basahin,

at iiwan kita sa kapihang ito nang hindi nagpapaalam—

walang halik, hindi na sabik, hindi na babalik.

Heto na, at naiintindihan ko na ngayon kung bakit sabi nila

hindi mo maintindihan ang kwento

kung hindi mo ito binasa hanggang dulo.

Naiintindihan ko na

na may mga inaakala tayong hindi naman pala iyon ang punto

sa oras na mabasa na natin ang kabuuan

hanggang katapusan.

At heto na, narito na tayo.

Sa wakas.

Salamat.

 

Pebrero 2016

  • Archives

  • Recollections as Indicated by their Forms

  • Follow The Stormcabinet Drawers on WordPress.com
  • Other Internet Residences: